Araw 1 ng 30
Ang Nakagiginhawang Presensya ng Diyos
Ngayon ang Panginoon din ng kapayapaan ay magbigay nawa sa inyo ng kapayapaan sa buong panahon at sa lahat ng paraan.
Naaalala ko nang dumaan ako sa isang talagang mabigat na panahon sa buhay ko… panahong napakadalas kong umiyak… panahong halos hindi ako makakain… panahong kung saan-saan lumilipad ang isip ko at parang hindi ko na ma-enjoy kahit ang mga bagay na dati kong kinagigiliwan.
Sa mahirap na panahong iyon, nakatagpo ako ng aliw sa pagbabasa ng Bibliya. Ang Mga Awit ang sumagip sa akin!
Pupunta ako sa computer ko at magsusulat… kokopyahin at ipe-paste ko ang mga talata ng Bibliya… isusulat ko ang mga iniisip ko… sumusulat pa nga ako ng kaunting tula. Marami akong pahina ng journal.
Ang mga isinulat kong iyon ang naging simula ng maliit na aklat na hawak mo ngayon.
Nakatagpo rin ako ng malaking kapayapaan sa pakikinig sa ilang awit. May mga awit na paulit-ulit kong kinakanta sa isip ko. May isang awit na ang pamagat ay Under the Blood of Jesus na tumulong sa akin na malampasan ang mahirap na panahong ito.
Tuwing naaalala ko ang mga salita ng awit na ito, pakiramdam ko’y pinalilibutan ako ng mga anghel ng Panginoon.
Ang presensya ng Diyos, mga kaibigan, ay talagang kahanga-hanga. Ang takot, pahirap, pag-aalala at pagkabalisa ay hindi makatatagal sa presensya ng Diyos. Kung may anumang kaguluhan sa buhay mo ngayon, hinihikayat kitang makinig sa mga awit na ang mga salita ay nagpaparangal sa Diyos… hinihikayat kitang purihin at sambahin ang Diyos. Mapapanatag ang buo mong pagkatao.
Pagpalain ka ng Diyos ngayong araw.
Pagninilay
Anong talata o awit ang nagbigay sa iyo ng aliw sa isang mahirap na panahon? Maglaan ng sandali para alalahanin ang mga salita nito at kausapin ang Diyos tungkol sa laman ng iyong puso.
Panalangin
Panginoon, salamat sa aliw ng Iyong Salita at ng Iyong presensya. Alam Mo ang mga iniisip at alalahaning bumabagabag sa akin. Habang nagbabasa ako, nananalangin at sumasamba, tulungan Mo akong ibaling ang puso ko sa Iyo at makatagpo ng pahinga sa Iyong pag-ibig. Amen.