Araw 2 ng 30
Ano ang Itinatago Mo?
Ang salita mo'y aking iningatan sa aking puso: upang huwag akong magkasala laban sa iyo.
Kadalasan, kapag may itinatago tayo, hindi magandang bagay iyon, gaya ng masamang bisyo o adiksyon. O baka naman sobrang dami ng sapatos na nabili mo at nakatago sa aparador mo! (LOL)
Pero dito sa Awit 119, may mabuting bagay na itinatago ang mang-aawit: ang Salita ng Diyos. Iningatan niya ito sa kaniyang puso para matulungan siyang labanan ang kasalanan at mamuhay nang masunurin sa Panginoon.
Itinatago natin ang Kaniyang Salita sa ating puso sa pamamagitan ng pagbabasa nito, pagbubulay-bulay dito—paglalaan ng oras para pag-isipan ang ibig sabihin nito—at pagsasabuhay nito.
Paano natin malalaman kung ano ang nakatago sa ating puso? Kadalasan, kapag may dumating na nakaka-stress na sitwasyon, nalalaman natin kung ano ang nasa puso natin sa pamamagitan ng lumalabas sa ating bibig. May isa pang talata na nagsasabing, “sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig” (Mateo 12:34, ADB 1905, sipi). Kapag nasa mahabang pila ka, kapag na-delay ang flight mo, o kapag may nagsalita sa iyo nang masama, makikita mo kung ano ang nakatago sa puso mo sa paraan ng pagtugon mo—sa kung ano ang umaapaw palabas.
Ang pampalakas-loob ko sa iyo ngayon ay iayon mo ang puso mo sa puso ng Diyos. Kailangan mong itago ang Kaniyang Salita sa iyong puso. Nang humarap si Jesus sa napakahirap na mga sitwasyon—nang kutyain Siya ng mga tao, nang duraan Siya—paano Siya tumugon? Sinabi Niya, “Ama, patawarin mo sila; sapagka't hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34, ADB 1905, sipi).
Sundan natin ang halimbawa ni Jesus. Sabihin natin ang Kaniyang Salita at itago ito sa ating puso, para kapag dumaan tayo sa mahihirap na panahon, ang umaapaw palabas ay ang pag-ibig ng Diyos.
Pagpalain ka ng Diyos ngayong araw.
Pagninilay
Pumili ng isang talata, o alalahanin ang isang alam mo na. Maglaan ng oras para pag-isipan ang ibig sabihin nito. Paano mo maitatanim sa puso ang katotohanan nito at maisasabuhay kapag may tukso o mahirap na sitwasyon?
Panalangin
Panginoon, tulungan Mo kaming itago ang Iyong Salita sa aming puso. Tulungan Mo kaming maunawaan ito at isabuhay, para mapagtagumpayan namin ang tukso at kasalanan sa aming buhay. Turuan Mo kaming sundan ang halimbawa ni Jesus, na tumutugon sa mahihirap na sitwasyon nang may pag-ibig at kapatawaran Mo. Nawa’y Ikaw ang makita sa umaapaw mula sa aming puso. Amen.