Araw 19 ng 30
Pinapasan ng Diyos ang Ating mga Pasanin
Na inyong ilagak sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagka't kayo'y ipinagmamalasakit niya.
Noong bata pa ako, sumasama ako sa tatay at mga kuya ko sa pangingisda. Alam mo ba ang pakiramdam kapag may malaking isdang kumagat sa kawil mo? Ako, alam ko. Kahit paano, akala ko malaking isda. Sobrang laki para kayanin ko! Sasaklolo si Tatay at siya ang hihila ng isda para sa akin.
Kung paanong hinihila ng tatay ko ang isda para sa akin, kailangan nating hayaan ang Diyos na pasanin ang ating mga pasanin para sa atin. Ayaw ng Diyos na tayo ang magbuhat ng bigat. Hindi kahinaan ang ibigay ito sa Diyos. Sa tingin ko, tanda ito na alam natin ang hangganan natin bilang tao. Siya lang ang makapagtatawid sa atin sa gulo at krisis ng buhay na ito.
Kausapin mo ang Diyos tungkol sa mga problema mo. Sa sandaling maramdaman mong nababagabag ka, nalulungkot, nababalisa, nabibigatan, o nalilito, sabihin mo sa Kanya. Makipagkita ka sa iyong Kamanghamanghang Tagapayo at pag-usapan ninyo ang lahat ng nasa puso mo (Isaias 9:6).
Sang-ayon ako sa sumulat ng himnong ito nang isulat niya ang mga salitang ito:
Kay buting kaibigan si Jesus,
Pinapasan lahat ng ating kasalanan at dalamhati!
Kay laking pribilehiyo na dalhin
Ang lahat sa Diyos sa panalangin!
Ay, kay daming kapayapaang nawawala sa atin,
Ay, kay daming sakit na hindi na sana dapat pasanin,
Dahil lang hindi natin dinadala
Ang lahat sa Diyos sa panalangin!May mga pagsubok at tukso ba tayo?
May problema ba kahit saan?
Hindi tayo dapat panghinaan ng loob—
Dalhin ito sa Panginoon sa panalangin.
May makikita ba tayong kaibigang kasintapat,
Na makikibahagi sa lahat ng ating lungkot?
Alam ni Jesus ang bawat kahinaan natin;
Dalhin ito sa Panginoon sa panalangin.
Pinapasan natin ang mga dala-dalahan natin… ang sakit, kasalanan, dalamhati, alalahanin, at hindi naman natin kailangang gawin iyon! Ibigay mo sa Kanya ang mga dala-dalahan mo. Ilagak mo sa Kanya ang lahat ng iyon. Mahal na mahal ka Niya kaya gusto Niyang Siya ang magpasan nito para sa iyo!
Pagpalain ka ng Diyos ngayong araw.
Pagninilay
Anong pasanin ang dala mo ngayon? Ano ang gusto mong sabihin tungkol dito sa iyong Ama sa langit?
Panalangin
Ama, salamat po at madadala ko sa Iyo ang lahat ng aking pasanin. Inilalagak ko sa Iyo ngayon ang lahat ng aking alalahanin, lahat ng aking pasanin, lahat ng aking problema, at lahat ng aking pagkabalisa, dahil may malasakit Ka sa akin. Tulungan Mo akong magsalita nang tapat tungkol sa bumabagabag sa akin at magtiwala sa Iyong pag-aalaga. Bigyan Mo ako ng karunungan at lakas para sa haharapin ko ngayon. Amen.