Araw 24 ng 30
Ospital
Pagbasa ng Kasulatan
At nang ito'y marinig ni Jesus, ay sinabi niya sa kanila, Hindi nangangailangan ng manggagamot ang mga walang sakit, kundi ang mga maysakit: hindi ako naparito upang tumawag ng mga matuwid, kundi ng mga makasalanan.
Ang ospital ay lugar na pinupuntahan ng mga maysakit para gumaling. Ginagawa ng mga tauhan sa ospital ang lahat ng makakaya nila para muling lumakas ang mga pasyente.
Naniniwala ako na ang Simbahan ay dapat maging parang ospital. Ang mga taong wasak, sugatan, at hindi perpekto ay dapat makalapit sa Simbahan at matanggap ang tulong na kailangan nila – pag-ibig, kapatawaran, biyaya, katotohanan. Kalokohan kung tatanggihan ng Emergency Room ang isang tao dahil may sakit siya! Ganoon din, nakakalungkot kung may itataboy ang Simbahan dahil masyado siyang magulo o wasak. Huwag tayong maging mga taong nagtataboy.
Hindi rin dapat balewalain ang mga taong wasak na lumalapit sa Simbahan. Sana naman, pagpunta mo sa ospital, hindi ka ilalagay sa isang sulok at kakalimutan! Kapag binalewala ang sakit ng isang tao, puwede itong humantong sa maagang kamatayan. Kailangang bukas ang mga pasyente sa paggamot at sa mga gamot na kailangan nila. Dapat gustuhin ng mga pasyente na gumaling, at baka kailangan nilang baguhin ang pamumuhay o ugali nila. Minsan, may mga napakagulong problema na kailangang harapin.
Gawin natin ang bahagi natin para buksan ang mga pinto ng Simbahan at tanggapin ang mga nangangailangan ng tulong at kagalingan!
Pagpalain ka ng Diyos ngayong araw.
Pagninilay
Paano mo matutulungan ang isang taong nasasaktan na maramdamang welcome siya at may nagmamalasakit sa kanya sa inyong simbahan?
Panalangin
Jesus, salamat po at tinatanggap Mo ang mga taong wasak at nangangailangan. Bigyan Mo ako ng mahabaging puso at tulungan Mo akong mag-alok ng pag-ibig, biyaya, at tunay na tulong. Ipakita Mo sa akin kung paano magbigay ng puwang sa iba at samahan sila habang hinahanap nila ang Iyong tulong. Amen.